Paano Ka Ba Magiging Akin?(Unang nalimbag ang akdang ito sa isyu 16 ng Philippine Collegian noong 15 Nobyembre 2011.)
ni Ninalyn UyIsa lang naman ang pamantayan ko sa paghahanap ng karelasyon: ikaw.Pero siyempre bola lang ‘yun. Gusto ko lang kunin ang atensyon mo, dahil hindi ko alam kung magkikita pa tayo ngayong semestre. Nababaliw na nga ako sa kaiisip kung ano ang kahahantungan ng “love story” natin.
Malas mo dahil mahilig akong magbasa ng Tagalog pocket books at manood ng mga Asianovela. Mula sa mga tauhang sinubaybayan ko, alam kong kapag nakuha ng isang babaeng hindi nagsusuklay at hindi naliligo pero kaiba at mukhang madiskarte ang atensyon ng isang lalaki, posibleng maging sila.Kung bakit mo ba kasi pinipitik ang mga daliri mo sa harap ng mukha ko sa tuwing nagkakasalubong tayo. Lagi mo pa akong kinakalabit, at kahit na sitahin pa kita ng pinakamalulutong na mura, ngumingiti ka lang at tahimik na tumatawa. Tapos bigla kang magsisimula ng mga usapang may kinalaman sa akin—kung saan ako nag-hayskul, ano ang binabasa kong libro, kung masaya ba ako.Buwisit na buwisit ako sa klase natin last sem, pero isa ka sa mga dahilan kung bakit hindi ako nag-drop. Kahit na naririnig kitang tumatawa mag-isa sa tuwing napapahiya ako sa recitation, at kahit panay ang turo mo sa akin tuwing nagtatawag si Prof ng volunteer, okay lang sa’kin.Kasalanan mo kung bakit bigla kong pinag-isipan nang mabuti kung ano ang ilalagay kong profile picture sa Facebook. Kasalanan mo kung bakit napadalaw ako sa ukay-ukay nang mag-isa para lang, oo, mag-shopping. Nabasa ko kasi ang payong ito sa Internet: If someone’s flirting with you, please cooperate. Oo, walang biro. Pati mga payo sa internet, pinatulan ko na.Hinanap rin kita sa Internet, akala mo. Nagbasa ako ng mga blog entry kung saan binabanggit ang pangalan mo; inalam ko kung sinu-sino ang common friends natin na posibleng magpalalim sa kung ano mang meron tayo. Pinagtanong kita sa mga kaibigan mo at lahat sila, nagkakasundong mabait ka nga.Urong-sulong ka rin kasi. Hindi ka masyado assertive sa pakay mo sa’kin, kung mayroon man. Sa dami ng mga pagkakataong nag-usap tayo, hindi mo hiningi ang number ko kahit kailan. Hindi naman ako madamot sa “oo.” Hinihintay ko lang na gumawa ka ng first move. Nang tinawag mo ako noong huling araw ng klase natin para sabay tayong maglakad, nag-usap lang tayo’t naghiwalay na parang talent ni Kim Chiu sa pag-arte: wala lang.Siguro nga wala naman talaga ako sa‘yo bukod sa isang kaklase. O marahil naghahanap ka lang ng Ate. Siguro kapag nagkita tayo ulit, tatango ka lang at bahagyang ngingiti pero hindi ka lalapit para makipag-usap. Kaiba ka rin kasi. Hindi ko rin alam kung bakit pero sa‘yo lang talaga ako natutuyuan ng laway at napapangungunahan ng duda at kaba. Siguro kasi sa lahat ng nagustuhan kong lalaki, ikaw lang ang hindi celebrity.Sakaling makilala mo ang sarili mo sa akdang ito, alam mo naman kung saan ako maaaring puntahan o kausapin. At huwag kang mag-alala—hindi pa rin ako madamot sa “oo.” Aanhin ko naman ‘yun. ●
SOURCE: http://www.philippinecollegian.org/paano-ka-ba-magiging-akin/